Sunday, August 21, 2011

Bintana

Bintana


Anong oras na, hangang ngayon ayaw pang pumikit ng aking mga mata. Nasobrahan yata ako sa kape kanina. Tinakpan ko nang kumot ang aking buong katawan mula paa hanggang ulo. Ilang minuto na ang nakalipas, heto parin ako at gising na gising ang buong pagkatao. Patay na ang lahat ng ilaw pero maliwanag parin sa aking silid.

Hinila ko pababa ang aking kumot at tinangka kong takpan ang aking mukha, gamit ang aking unan. Walang epekto, parang pinapatay ko lang ang aking sarili nito. Bakit ba hindi ako makatulog, dahil siguro ito sa liwanag ng buwan. Kung agad sanang natuyo ang mga kortina na bagong laba ay matatakpan nito ang liwanag na dulot ng buwan.

Napaka tahimik na ng buong lugar, ako nalang yata ang gising. Tumayo ako at tinangkang bumaba para kumuha ng maiinom. Pagkalagpas ko sa bintana ay may napansin akong kakaiba, mabilis kong ibinaling muli ang aking paningin sa bintana. Dito ko nakita ang pigura ng isang tao na parang nakatitig saakin.

Yumuko agad ako dahil sa aking kakaibang naramdaman, kinabahan ako natakot at kinilabutan. Ano ba iyong nakita ko. Multo. Hindi naman siguro. Ngunit bakit ako kinabahan, marahil ay nabigla lang ako sa aking nakita.

Marahan at maingat kong sinilip muli ang bintana pataas. Napakabagal ng aking pag galaw, maingat para hindi ako mahalata. Hanggang sa natanaw ko na ang kabilang bintana, hindi siya gumagalaw. Hindi siya naka titig saakin, siguro ay guni guni ko lang iyon kanina.

Nakatakip siya sa manipis na puting kortina, tao siya at hindi multo. Mahaba ang buhok, hangang balikat ito at naka sleeveless na puting pang tulog. Babae siya at mukhang nasa edad bente sinco na. Mukhang bago lang siya dito sa lugar namin, ngayon ko palang kasi siya nakita dito.

Pero teka, anong ginagawa niya sa mga oras na ito at bakit gising pa siya. Kung sabagay ako din naman gising parin hanggang ngayon. Pero may dahilan ako, hindi kasi ako makatulog.

Eh siya, hindi din ba siya makatulog. Napansin kong gumalaw ang kaniyang kanang kamay, inilapit niya ito sa kaniyang mukha na parang nagpupunas. Umiiyak ba siya, ngunit bakit naman. Anong meron sa babaeng ito at akoy nawiwirdohan.

Mabilis kong yinuko muli ang aking ulo dahil sa aking nakita, napansin yata niyang pinagmamasdan ko siya. Inilihis niya ang kortinang tumatakip sakanya at idinungaw ang kalahati ng kanyang katawan. Pilit niyang inaabot ng tingin ang aking kinaroroonan.

Matagal bago ako muling sumilip, baka nandiyan parin siya at naka tingin. Ilang minuto na ang nakalipas bago ako muling nagtangkang sumilip. Dahan dahan kong inangat ang aking ulo, sapat na hangang sa ilalim ng aking mga mata lang ang nakalitaw upang hindi ako mahalata.

Laking gulat ko sa aking nakita, isang malapad na papel ang hawak ng babae. Isang papel na may nakasulat dito. Hindi ko ito masyadong maaninag dahil sa liit ng pagkakasulat ng mga letra, ngunit gusto ko itong mabasa ng mabuti. Nang mabasa ko at maidugtong dugtong ang mga letrang nakasulat, kinilabutan ako sa aking nabasa. Ang nakasulat dito ay.


"MAY TAO BA DIYAN? TULUNGAN MO AKONG MAKATAKAS DITO."

Muli akong yumuko at sumandal sa pader. Nanginginig ang aking buong katawan, hindi ko malaman ang aking gagawin. Hindi ako makapag isip ng tama. Gusto ko siyang tulungan, ngunit paano at kanino. Hindi ko pa siya lubusang kilala, sa katunayan ngayon ko palang siya nakita. Ni hindi ko man lang alam ang kaniyang pangalan. Hindi ko pa alam ang buong pagkatao niya.

Natatakot ako na baka madamay pa ako sa gulo, at baka may masamang mangyari saakin kung makikialam pa ako. Hindi na uso ang mga bayani sa panahong ito, kung tutulungan ko siya at mamatay ako. Sigurado ako na kahit isang salapi ay wala matatangap ang mga iiwan ko. Napakabata ko pa para mawala sa mundo.

Hindi naman tama na ibuwis ko ang aking buhay para sa isang babaeng hindi ko pa lubusang kilala.

Ngunit hindi iyon dahilan para hindi ko siya tulungan. Isa siyang babae na humihingi ng saklolo, kaylangan niya ang tulong ko. Hindi dahilan ang tagal o ikli ng pagkaka kilala para tumulong sa iba.

Tama! Tutulungan ko siya, kahit malagay sa piligiro ang sarili kong buhay. Mas maganda siguro ang mamatay nang may ginawa kaysa mamatay ng walang nagawa.

Bang! Bang! Bang!

Tatlong sunod sunod na putok ng baril ang aking narinig. Ayaw kong isipin na sa babaeng nasa bintana tumama ang mga ito. Kung nagkataon hindi ko mapapatawad ang sarili ko.

Tahimik parin ang paligid, puno parin ng liwanag ang buwan. Dahan dahan kong sinilip ang kabilang bintana, wala na dito ang babae. Tanging natira nalang dito ay ang kortinang puno ng tumalsik na dugo, at ang isang lalaking naka unipormeng pulis.

Hindi na natigil ang panginginig ng aking tuhod, at ang mabilis na pag tibok ng aking puso. Labis na panghihinayang ang aking nadama. Naging duwag ako sa pagkakataong iyon, mas inuna ko pa ang takot at kaba. At nang akoy magkaroon na ng lakas ng loob, ito ay huli na

No comments:

Post a Comment