Sunday, August 21, 2011

Hindi pwede





Patawarin mo sana ako kung minahal kita. Hindi ko sinasadyang mahulog ang loob ko saiyo at hindi ko din inaasahan na ganito din ang mararamdaman mo. Ayaw kitang masaktan, napaka imposible na tayo ay magsama. Dapat noong una palang ay pinigilan ko na ang sarili ko, dahil ngayon ay hirap na akong umahon pa sa aking pagkaka hulog saiyo. Alam ko mahirap saiyong parte ang lahat ng nangyayaring ito, ngunit mahirap din para saakin ang gumawa ng ganitong desisyon.

Noong una binalak ko ng tapusin ang lahat ng mayroon tayo, ngunit ako ay nabigo. Hindi ko kinaya ang sakit at emosyon ng ating paghihiwalay, kahit walang matibay na pundasyon ang ating pagsasama ay bakit napaka hirap parin ang tayo ay maghiwalay. Tiniis kong hindi ka kausapin ng isang araw, at ako ay nagtagumpay. Hangang ngayon ay patuloy parin akong nagtitiis, umaasang darating ang araw na ikaw na mismo ang magsawa ng kahihintay saakin.

Hindi ko malilimutan ang mga gabi na tayo ay magkausap, ang iyong walang sawang pakikinig sa mga sinulat kong kwento. At kahit alam kong sobrang inaantok kana, ay nagtatanong ka parin upang hindi ko maramdaman ang iyong pagka antok. Mamimis ko ang pagkwento mo saakin tungkol mga nangyari sa iyong buong araw, at ang mga nakakatawang bagay sa inyong bahay. Salamat sa mga gabing iyon.

Hindi ko alam kung makakayanan ko na talaga ito, sana ay maging maayos ang lahat saatin. Sana balang araw kung muli man magkasalubong ang ating landas ay ngingitian mo parin ako. Patawarin mo ako dahil minahal kita. Patawarin mo ako dahil hindi ko agad pinigilan ang aking sarili.

Maka hanap ka sana ng taong magmamahal saiyo ng lubusan, isang lalakeng hindi ka paiiyakin. Aalalayan at hindi sasaktan, sana maka hanap ka ng isang taong mas higit pa saakin. Sana huwag mong pabayaan ang iyong pag-aaral. Inaasahan kong matutupad ang iyong mga pangarap balang araw, wag mo sanang sayangin ang oportunidad na ibinibigay saiyo ng iyong mga magulang.

Ingatan mo sana lagi ang iyong sarili, lagi mo sanang tatandaan na mahal na mahal kita, kaso talagang hindi tayo pwede.

No comments:

Post a Comment