Monday, November 7, 2011

Three Cheeseburgers One Large Fries One Piece Chicken One McFloat - Epilogue

San Fernando Pampanga.

"Ang lungkot pala ng love story mo lo."

"Malungkot pero masaya apo."

"Pano mo naman nasabing masaya yun lo, eh iniwan ka na nga ng pinakamamahal mo?"

"Apo bata ka palang, siguro hindi mo pa naiintindihan ang lahat."

"Ipaliwanag mo kasi lo para maintindihan ko..."

"Sige, ganito yan apo. Hindi mo naman kailangan na kasama mo ang mahal mo para lang masabi mo na mahal mo siya. Kahit hindi na kayo magkasama at sabihin na nating may kasama na siyang iba, kung mahal mo talaga siya hindi ibig sabihin na mawawala na ang pagmamahal mo sakaniya.”

"Eh martir ata tawag dun lo e."

"Iba ang martir at ang tunay na pagibig apo."

"Sus lolo naman eh, pareho lang yun no. Ah basta ako wala muna akong panahon sa mga ganiyan, sakit lang ng ulo ang mga babaeng yan."

"Hahaha. Ganiyan din ang sinabi ko bago kami magkakilala ni Dennise apo."

"Ano bang nagustuhan mo dun lo? Maganda ba siya. Sinong maganda sakanilang dalawa ni lola?"

“Masasabi ko na si Dennise ay parang isang beauty queen, pero kahit hindi kasing ganda ni Dennise ang lola mo. Lagi naman niyang pinaparamdam na ako ang kaniyang hari sa kaniyang pag aalaga.

"Mahal mo pa ba siya lo?"

"Sino?"

"Yung si Dennise?"

"Hehehe. Apo, kahit kailan hindi siya nawala sa puso ko. Okay na ako sa ganito, ang malaman na hangang ngayon ay mahal ko parin siya. Masyado na akong matanda para umasa pa na magkabalikan kami. Kuntento na ako sa masayang buhay nating pamilya at may minamahal na Dennise."

"Lo, alam mo bang idol na idol kita gumamit ng Prof? Pero pag dating sa kwentong pag ibig ang korni mo pala no?"

"Hahaha. Basta masasabi ko lang saiyo apo wag mong pilitin ang ayaw. Baka kasi dumugo eh."

"Sus mga banat mo lo bulok na. Sige baka ma late pa ako sa laban alis na ako lo."

"Mag ingat ka apo. Sana makita mo na ang Dennise ng buhay mo."

Ang korni talaga ng lolo ko, minsan naiinis din ako tuwing naiisip ko na parang hindi niya kagustuhan na ipinanganak ng lola ko ang aking ama. Hindi ko alam sakaniya, magulo din kase e malabo pa. Hindi ko din naman siya masisi, hindi pa kasi ako napupunta sa sitwasyon niya. Ako kaya? Gagayahin ko din ba siya, o ipaglalaban ko ang kung anong alam kong tama at mali naman para sa ibang tao?

Kung ako siguro sakaniya itinakas ko na si Dennise, mukhang mahirap pero siguro kakayanin iyon kung kagustuhan din niya. Maraming nagsasabi na parang ako daw ang batang Leo Ogam, magkahawig? Hmm. Pwede na pero mas gwapo naman ako sakaniya. Sa lalim ng pag iisip? Ewan ko, hindi yata. Sa paniniwala sa pag ibig? Kayo nalang ang magsabi kung pareho kame o hindi.

Heto naman ang maikli kong istorya, istorya namin ng isang babae na may kaugnayan sa dalawang bida sa itaas. Tulad ng kung paano at saan unang nagkakilala sina lolo Leo at miss Dennise, heto sisimulan ko na.

RPC Regionals 2009 SM Pampanga.


"Ooops sorry miss." Ang sabi ko ng hindi sinasadyang mabanga ang isang babae.

"No its okay, kasalanan ko naman eh hindi ako tumitingin." Sagot niya habang pinupulot ang mga nahulog niyang gamit.

"A-aahh... Tulungan na kita miss, mukhang madami yan eh." Ang sabi ko.

Tumingala siya saakin, liniitan ng kaunti ang kaniyang mga mata at ngumiti.

"H-hindi na, kaya ko ng dalhin ito. Itatanong ko nalang kung saan ba dito gagawin ang RPC regionals?"

Biglang umaliwalas ang aking mukha, napaka gandang Ragnarok player naman niya kung tama nga ang iniisip ko. Kung sakaling makakalaban ko siya mamaya ay magpapatalo na agad ako.

“Hi?” Ang sabi niya habang marahan na tumatayo. “Okay ka lang?” Nagtataka niyang tanong.

Iniling ko ang aking ulo na parang ginigising ang aking sarili.

"Ah oo, eksakto doon din ang punta ko, kasali kasi ako sa mga lalaban.” Sagot ko sakniya.

Ngumiti siya saakin, bahagyang ipinikit ang maiitim niyang mga mata at agad din niyang minulat ang mga ito.

“Okay lang kung sasabay ako saiyo?” Tanong niya.

Itinaas ko ng bahagya ang aking magkabilang kamay at sinabing.

“S-sure... Pero dapat hayaan mo akong buhatin ang mga gamit mo.” Pabiro kong sabi.

Itinaas niya ng bahagya ang kaniyang kaliwang kilay.

“Grabe, kahit alin sa oo at hindi ang isagot ko parehong okay naman para saakin ito.” Ang sabi niya kasunod ng kaniyang pag ngiti.

Kinuha ko ang bitbit niyang isang bag at sabay kaming naglakad. Ilang sandali pa ay nakarating na kami sa venue kung saan napakaraming tao ng naka abang.

“Ito na ba?” Tanong niya. “Ang dami pala talagang tao ano?”

Tumingin ako sakaniya, abala siyang nagmamasid sa paligid. Napaka dami ng tao, grupo-grupo, ang iba sama-sama meron din mangilan ilan lang sa grupo. Halo halo na, sobrang lakas ng tunog ng mga speakers. Nakaka bingi para sa iba ngunit para saamin isang itong malumanay na musika.

“Oo, marami talagang sumasali dito. Teka nga pala, first time mo palang ba ang manood ng ganito?”

Mula sa kaniyang pagmamasid, agad niyang ibinaling ang kaniyang tingin saakin.

“Oo, hindi naman talaga ako naglalaro Ragnarok.” Ang sabi niya. “May mga barkada akong babae at mga lalake na naglalaro, nakikinig lang ako tuwing nagkkwentuhan sila tungkol sa Ragnarok.” Pag papatuloy pa niya kasunod ng muli niyang pagmamasid.

“Ah, maglalaro ba ang mga kabarkada mo ngayon?” Muli kong tanong.

Muli siyang tumingin saakin.

“Hindi, wala sila ngayon dito. Gusto ko lang ma experience ang ganito, sa totoo lang nabasa ko lang ito.” Sagot niya sabay ngiti.

Ang weird naman niya. Hangang ngayon hindi ko parin alam ang pangalan niya. Hindi ako makasingit sakaniya, sobrang exciting kase ng usapan naming. Parang ang korni kung puputulin ko nalang ito ng basta.

“Nabasa? Saan naman?” Nawiwirdohan kong tanong.

Tumingin siya saaking mga mata, itinaas ng kaunti ang kaniyang tingin sa direksyon ng aking buhok pababa sa aking mga labi. Huminga siya ng malalim at nagbuntong hininga.

“Ilang taon kana? Hulaan ko. Bente, bente uno?” Patanong niyang sagot.

Anong koneksyon naman ng edad ko sa kung saan niya nabasa ang lugar na ito. Grabe ang wirdo na talaga niya.

“Hello?” Ang sabi niya habang winawagayway ang kaniyang palad sa harapan ng aking mukha.

Muli akong naibalik mula sa aking pagkawala sa realidad, pilit kong inaalala ang kaniyang huling tinanong.

“Bente dos na ako. Masyado namang bata kung bente lang.” Naka ngiti kong sabi.

Ngumisi siya ng kaunti at bahagyang ngumiti.

“Hindi kase ganoon katanda ang itsura mo.” Sagot niya.

Napayuko ako sa kaniyang sinabi, sana hindi niya napansin ang aking pamumula.

“So a-ano. Saan mo nga nabasa ang tungkol sa lugar na ito? Feeling ko wala naman gaanong espesyal dito.”

“Ngayon meron na.” Pabulong niyang sabi.

“Ha?” Mabilis kong tanong.

“Ang sabi ko, nabasa ko ito sa isang maliit na libro. Nakita ko ito sa lumang lalagyang ng mga gamit ng aking lola, masyado ng luma at madumi ang maliit na libro kaya mahirap ng intindihin ang mga nakasulat. Isang araw nakita ako ng aking lola na hawak ang libro, tinanong niya ako kung binasa ko ba ito “Oh iha, binasa mo ba yang hawak mong libro?” Tanong niya saakin.”
“Anong sinagot mo?” Patanong kong sagot.

“Hindi ako sumagot bagkus umiling lamang ako. Hindi ko kase masyadong maintindihan ang mga nakasulat. “Bawat detalye ng librong yan alam ko, bawat eksena bawat tagpo alam ko. Hindi ko malilimutan ang buong kwentong nakasulat sa librong yan.” Ang sabi niya. Namangha ako sa kaniyang mga sinabi. Kaya hindi ako nag dalawang isip nang alukin niya akong making habang ikinukwento niya saakin ang laman ng libro.

Pati ako namangha sa kawidohan niya at ng kaniyang lola. Bahagya akong napangiti ng malaman ko na hindi pala nagiisa ang lolo ko sa kakornihan. Meron pa palang tulad niya, ang babaeng ito at ang kaniyang lola.

Nakakatuwang isipin na kahit korni nga naman ang mga lumang kwentong pag ibig ay nagugustuhan pa nating basahin o panoorin ano? Tulad ng babaeng ito na halos pareho lang kaming kinuwentohan ng mga lolo at lola, kaya siguro magaan ang aking loob sakaniya. Lolo’s boy kase ako, siguro lola’s girl naman siya.

“Ang weird mo talaga miss.” Pabiro kong sabi sakaniya.

Bahagyang tumulis ang kaniyang nguso. Marahan na iginalaw ang kaniyang mga mata pakaliwa magkasalubong ang kilay at tinignan ako ng masama.

“Joke lang ha. A-ako nga pala si Ethan... Ethan Ogam." Ang sabi ko. Sabay abot sa aking kaliwang kamay.

Muli siyang ngumiti saakin, subalit mabilis din itong humulas.

"Ogam? Your surname sounds familiar, nakalimutan ko lang kung saan ko narinig...” Ang sabi niya. “I'm Eunice... Eunice Mallari." Pag papakilala niya.

"Eunice, Eunice Mallari...?” Pagklaro ko sa kaniyang sinabi. “Dennise, Dennise Mallari...?" Bulong ko pa sa aking sarili.

"Kilala mo ang lola ko?" Ang tanong niya ng marinig niya akong bumulong.

Laking gulat ko naman sa aking narinig.

"Lola? Lola mo si Dennise Mallari?" Patanong kong sagot sakaniya.

Umiling siya at ngumisi. Ilinagay niya ang kaniyang dalawang kamay sa kaniyang magkabilang bewang.

"Oo bakit?" Nagtataka niyang tanong saakin.

Hindi ako agad nakasagot, tinignan ko lamang siya ng mabuti. Tinitigan ang kaniyang mga mata, huminga ng malalim bago ako muling nagsalita.

"Apo ako ni Leo, Leo Ogam."

"What?!"


END

No comments:

Post a Comment