Monday, August 22, 2011
Reunion
Iba na ako. Iba ka na. Limang taon kaming nagkalayo. Napakatagal ngunit napakabilis rin. Hindi ko na inda ang sakit ng pagkakalayo namin ngayong nandito na siya sa aking tabi. Walang kibo kaming naglalakad papunta sa lugar na aming napag usapang muling babalikan. Tila pareho naming sinasariwa ang matamis na nakaraan.
Walang pinagbago ang lugar na ito kahit ilang taon na ang nakalipas. Maliban nalang sa na abandonang bahay na dati nilang tirahan.
Hindi tulad ng tao. Sandali pa lamang nalalayo ay parang hindi na kayo magkakilala. Ako kaya? Kinalimutan na kaya niya ako? Nilimot na kaya niya ang lahat ng masasayang ala ala namin?
Nang una niya akong nilisan, hindi maipaliwanag ang aking naramdaman. Napakaraming salitang hindi nabigkas habang magkasama kami. Napakaraming bagay ang hindi nagawa nang magkapiling kami. Ngayon,binigyan ulit ako ng tadhana upang isalba ang mga pagkakamali ko ng nakaraan. Magagawa ko pa ba?
Kaya ko pa ba? O...
Ako ba'y may nararamdaman pa sa kanya?
Matahimik naming tinatahak ang landas patungo sa batis kung saan nya sinabing muli kaming magkikita. Hindi nagtagal ay binasag niya ang katahimikan.
"Sigurado ka bang tama tong dinadaanan natin?"
"Oo, magtiwala ka sakin, buong buhay ko hindi ako umalis dito sa lugar natin. Ikaw ang lumayo..."
"Hindi ko naman kagustuhan yun eh." Medyo tumaas ang kanyang boses.
"Alam ko..." Sabay kaming huminto sa paglalakad.
"Galit ka?" Ang malumanay niyang tanong.
"Bakit naman ako magagalit? Na miss nga kita eh. Ang tagal kong hinintay ang araw na ito."
Sa hindi inaasahang pagkakataon, hinawakan niya ang aking kamay at nagpatuloy kami sa marahan naming paglalakad. Nung una gusto ko itong bitiwan dahil sa kadahilanang hindi ko maipaliwanag. Pero wala akong nagawa at hinayaan ko nalang ito. Dahil na rin siguro sa sobra kong pananabik sakanya.
Hindi nagtagal ay nakarating kami sa batis. Umupo kami sa tabi ng malaking puno ng manga... Tulad parin ng dati napaka laki at napaka lago ng mga dahon nito. Kaya nitong takpan ang mga lungkot na naramdaman ko limang taon na ang nakalipas.
Inilabas ko ang maliit na pala mula sa aking bag, naglakad ng kaunti at sinimulan ang paghuhukay.
Umupo siya sa tabi ko, bakas sa mukha niya ang kaba dahil sa ginagawa namin.
"Kailangan ba talaga nating gawin to?" Ang tanong niya sakin.
"Hindi ko alam sayo, ikaw ang nag aya ulit sakin dito eh."
"Ginawa ko lang iyon dahil yun ang usapan natin bago ako umalis..."
"Eh anu ba kasi itong pinapahukay mo sakin?"
"Kung ayaw mong gawin, wag na nating ituloy. Limutin na natin ang nakaraan." Ang sinabi niya sakin.
Tumayo siya at nagsumilang maglakad papalayo.
Pinagpatuloy ko ang aking ginagawa. Hindi ko na inintindi ang mga sinabi niya. Maya maya pa ay nakuha ko na ang kanina ko pang hinuhukay. Isang maliit na kodradong kahon na balot na balot ng electrical tape.
Tumayo ako, hinanap ko siya at sinabing...
"Nakita ko na..."
Marahan siyang lumingon sakin at nagsalita.
"Talaga?"
Hinugasan ko ang mala-tsokolateng putik na nakabalot sa kahon gamit ang tubig mula sa batis.
Dahan-dahan syang lumapit saakin at tinignan ang kahon.
"Ito ba ang pinapahanap mo?" Tanong ko
"Oo yan na nga, buksan mo na..."
"Ano ba kasi ito?"
Dala ng pananabik, inilabas ko ang dala kong swiss knife at winasak ko ang maliit kahon. Laking gulat ko ng mahulog sa lupa ang dalawang maliliit na bilog. Nang tignan ko itong mabuti, nakita ko ang dalawang nahulog sa lupa ay ang dalawang sing-sing na ang isa ay ibibigay ko dapat sakanya limang taon na ang nakakaraan.
"Pano napunta sayo ang mga ito" Ang sabi ko sa kanya. habang pinupulot ang mga sing-sing.
Nanatili siyang tahimik at nakatingin sa kawalan. Hindi ko na siya inintindi at nanatili nalang din akong tahimik, nag iisip kung pano nangyaring napunta sakanya ang mga sing-sing.
"Caloy..." Ang sabi nya.
"Ano yun Chloe?"
"Bakit hindi mo ako sinundan oh hinatid man lang sa araw ng aking pag alis?" mahina nyang tanong.
"Sinadya kong hindi kita ihatid dahil alam kong hindi ko makakayanan yun Chloe. Pero nagkamali ako, dapat ay pinuntahan kita para pigilan ka. Oo nagawa kong makapunta sa airport pero huli na ang lahat, tanging yung matandang babae nalang ang nakita ko."
"Dala mo ba yung sulat na ipinatago ko?"
"Oo nandito sa bulsa ko... bakit?"
"Wala naman, limang taon na ang nakalipas pero talagang itinago mo pa yan no?" Ang sabi nya habang hindi parin na aalis ang kanyang pagkaka tingin sa kawalan.
"Syempre, yun ang sabi mo eh."
Marahan syang tumingin sakin at itinanong.
"Caloy, hinintay mo ba talaga ako?"
Tumingin ako sakanya at sumagot.
"Tinatanong pa ba yan Chloe? Syempre naman. Tiniis ko ang dalawang taon na hindi kita kasama ang daming babaeng pwedeng mahalin. Pero hindi ko sila iniintindi dahil alam kong babalikan mo ako. Taon taon pumupunta ako sa lugar na ito dahil umaasa akong tutuparin mo ang pangako mo." ang sabi ko sakanya. "Lumipas ang dalawa, tatlo at apat na taon pero walang Chloe na bumalik. Halos mawalan na ako ng pag asa at pag dumadating ako sa mga puntong yun, iniisip ko lang ang ating mga masasayang alala at nagkakaroon ulit ako ng pag asa."
Dahan-dahang tumulo ang luha nya mula sa kanyang mga mata papunta sa kanyang pisngi. Pumatak ito sa batis at tuluyan nang inagos.
Mula sa kanyang kinauupuan dahan dahan akong lumapit.Hindi ko na rin napigilang mapaluha.
"Okay lang yan Chloe. At least hindi ako sumuko sa pag hihintay diba?" Ang sinabi ko habang kinukuskos ko pa ang aking mga mata.
Dahan dahan nyang kinuha sakin ang hawak hawak kong dalawang sing-sing, at inilapit sa kanyang mata na parang sinusuri.
"Napaka ganda ng mga ito no? sayang at hindi man lang ako nabigyan ng pagkakataon na isuot ang isa dito." Ang sabi nya.
Marahan kong kinuha ang sing-sing na hawak nya, umpo sa tabi nya at inabot ang kanyang kaliwang kamay.
"Bakit Caloy?" Tanong nya.
Tinignan ko lang sya sa mata at dahan dahang isinuot sakanyang daliri ang sing-sing.
Mas lalong lumakas ang pagbuhos ng kanyang luha kaya pinili nalang nyang pumikit.
"Para sayo talaga yan Chloe." Ang sabi ko kasunod ng pagyakap ko sakanya. "Ang daming hirap ang pinag daanan ko bago dumating ang araw na ito mahal ko."
Dahan dahan nyang inalis ang sing-sing na isinuot ko para sakanya at inilagay ito sa kanyang kwintas.
"Hindi ito dapat ilagay sa daliri Caloy, Dito dapat sya." Ang sabi nya sabay turo sa kanyang puso.
Pagkatapos nun ay nanatili kami parehong tahimik hanggang napansin naming medyo palubog na ang araw.
"Balik na tayo, baka abutin pa tayo ng dilim dito." Ang aya ko sa kanya.
Muli nya akong sinulyapan. Bakas sa kanyang napakagandang mukha na ayaw nya pang umalis at napilitan nalang sumunod saakin.
Magkahawak ang aming kamay habang binabaybay namin ang daan na pinaggalingan namin kanina.
"Sayang no?" Ang sabi niya.
"Ang alin?"
Isinabit niya ang buhok nya sa kanyang tenga, humarap sakin at ngumiti.
"Ngayon lang natin napatunayan sa ating mga sarili."
"Oo nga eh... Kung kailan hindi na pwede."
Pareho kaming kinain ng katahimikan ngunit patuloy kaming naglalakad.
"Masaya ka naman sa kanya?" Ang mahina kong tanong.
"Oo masaya naman kami." Ang tugon niya.
"Mabuti."
Dumating na kami sa sangangdaan kung saan kailangan na naming mag hiwalay. Huminto kaming pareho, tila hinihintay na magsalita ang isa't isa.
"Dito na ako." Ang sabi ko.
"Nga pala..." Sabay binuksan niya ang kanyang bag at may kinuha. "Binyag ng panganay namin sa susunod
na linggo, eto nga pala ang invitation. Wag kang mawawala ah... Ninong ka."
Tinanggap ko ang sobre. Humigpit ang hawak ko sa kamay niya.
"Sige..."
Hindi ako humarap sa kanya. Pero sigurado ako na nakita niyang pumatak ang luha ko sa tuyo at mainit na sahig.
"Dito na ako ah." Ang sabi niya.
Hinihila nya ang kanyang kamay papalayo. Lalo namang humigpit ang hawak ko.
Hindi nagtagal, binitiwan ko na rin. Nakayuko lang ako at nagsimula nang maglakad. Hindi na ulit ako lumingon sa direksyon niya.
Bago pa man din akong makalayo, simugaw siya sakin.
"Caloy!"
Dahan dahan kong inikot ang ulo ko patungo sa direksyon niya. Nakita ko na humulas na ang maganda at mamahaling make-up na suot niya kanina dahil sa luha na kasalukuyang bumabalot sa buong nyang mukha."
Inakap niya ako ng mahigpit at bumulong sakin.
"Mahal parin kita hanggang ngayon, kaso talagang hindi pwede."
Dali-dali na rin siyang tumakbo patungo sa direksyon na dapat niyang puntahan.
Ako naman. Naiwan. Luhaan at hindi makapaniwala sa mga nangyayari.
"Bakit kailangan mo pang bumalik dito?"
Tinahak ko ang landas patungo sa bahay ko at ipinagpatuloy ang mga natitirang taon ng buhay ko nang may dala-dalang sakit sa aaking damdamin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment