Sunday, August 21, 2011

Strawberry Float





"What kind of service is that?! Ito lang ba ang strawberry float ninyo dito?!" Galit na sabi ng isang babaeng customer habang itinuturo ang plastik na basong hawak niya.

"Im sorry madam, palitan ko nalang po." Paumanhin ng crew. Ngunit lalong nagalit ang babae.

"Hindi, tawagin mo ang manager ninyo." Mahina ngunit matigas na tono nito.

"Ano po ang problema madam, may maitu-tulong po ba ako?" Pasabat na tanong ng isang lalake galing sa likod ng counter.

Pormal at simple ang kaniyang suot. Puting polo, itim na jeans at rubber shoes. Hindi siya naka unipormeng manager kaya malabong siya ang gustong maka usap ng babae.

Natigilan ang babae nang tanungin siya ng lalake, nanatili siyang naka tingin sa lalake. Hindi parin siya nag-sasalita, ang babaeng kani-kanina lang nagwawala ay hindi makapag-salita ngayon. Ilang sandali pa ay nag buntong hininga ito bago mag salita.

"Are you the manager?" Mahinahon niyang tanong habang naka yuko at hindi makatingin sa lalaki.

"No I'm not. I am the owner." Nahihiyang sagot ng lalaki. "May problema po ba sa strawberry float ninyo?" Dugtong pa nito.

"Ha? A-ah, wala. Nevermind." Ang sabi ng babae habang igina-galaw ang kaniyang kamay.

"Hindi madam, wag po kayong mag alala papalitan ko nalang po ito." Naka ngiting sabi ng lalaki.

Bago pa maka sagot ang babae, ay hindi niya inaasahan na lumapit ang isang batang babae sa kaniyang tabi at sinabing.

"Mom, siya po ba si daddy?"

Agad tinakpan ng babae ang bibig ng kaniyang anak at ngumiti sa kaniya.

Bata palang ang kaniyang anak maganda na, mana sa kaniyang ina na kahit may anak na ay mukha parin siyang dalaga. Nasa lima hangang anim palang siguro ang kaniyang edad, pero mukha siyang matalino. Mahaba at straight ang kaniyang buhok, bibilugin ang kaniyang itim na mga mata. Matangos ngunit maliit ang kaniyang ilong, parehong pareho sila ng kaniyang ina. Mamula-mula din ang kaniyang bilog na mga pisngi. At ang kaniyang mga labi, parang mga pulang rosas.

"Pag pasensiyahan mo na ang anak ko, makulit lang talaga ito." Malumanay na sabi ng babae habang inaayos ang headband ng kaniyang anak.

"No, i'ts okay." Mabilis niyang sagot. At agad nitong ibinaling ang kaniyang tingin sa batang babae.

"Hi, anong pangalan mo?" Naka ngiting tanong niya sa bata.

"Nickaela po, how about you?" Tugon ng bata sa kaniyang maliit na boses.

Natigilan bigla ang lalake at naiwang naka bukas ang kaniyang bibig, na parang may iniisip.

"Ang ganda naman ng pangalan mo, anong problema sa strawberry float mo?" Paiwas niyang sagot sa tanong ng bata. Kasunod ng pagkuha niya sa plastik na baso na hawak-hawak ng bata. "Gusto mo dagdagan natin ng sundae?"

"Sure, salamat po." Tuwang-tuwang sagot ng bata.

Palibhasa paborito niya ang strawberry float ng McDonalds, kaya tuwang-tuwa ito pag may dagdag na sundae ang kaniyang inumin. Madalas dinadala ng kaniyang ina si Nickaela sa Mcdo, tuwing nakaka-kuha ito ng perfect score sa kaniyang mga quiz sa school. Tuwing natutulog ito sa hapon, at natutulog ng maaga tuwing gabi. Ang pag punta nila palagi sa mcdo ang premyong nakukuha niya galing sa kaniyang ina

"Hindi, wag sir. Salamat nalang, kaylangan na din naming umalis." Pag pigil ng babae.

"But mom?" Sabi ng bata. Bakas sa kaniyang mukha ang labis na kalungkutan dahil sa pagkakataong ito hindi siya napagbigyan ng kaniyang ina.

"Iha, alas-nuebe na ng gabi. Malayo pa ang bahay natin dito." Paliwanag ng ina.

"But mom, kaya ko naman hong ubusin yun sa sasakyan bago pa tayo maka uwi." Naiiyak na sagot ng bata habang kaunting naka pasok ang kaniyang isang daliri sa kaniyang bibig.

Yumuko ang lalaki sa tabi ng bata at tinignan ito. Ngumiti ang lalaki, ngumiti din ang bata. Tumingin pataas ang lalaki at kinausap ang ina ng bata.

"Pag bigyan mo na siya madam, next time nalang kita singilin ng extra charge." Ang sabi nito sabay ngiti.

"Extra charge? E kalahati lang nga ang i-sinerb ninyo kanina tapos sisingilin mo pa ako ng extra charge?!" Naka simangot na sagot ng babae.

"Oh e kaya nga heto at papalitan ko na nga e." Naiinis na sabi ng lalaki.

"Kung maayos lang mag serve ang mga tao mo, ay hindi mangyayari ito." Pabewang na sagot ng babae.

"Mommy, nag aaway po ba kayo?" Sabat ng batang babae sa kaniyang maliit na boses.

Biglang natigilan ang dalawa na kanina lang ay parang aso't pusa na nag babangayan.

"Hindi iha." Paliwanag ng ina. Ngumiti ang bata at tumingin sa lalaki. Ngumiti lang ito at tumalikod para gawin ang strawberry float ng bata.

Ilang sandali lang ay natapos din ito. Punong-puno ng sundae ang inumin ng bata at halos matapon na ito sa dami. Dahan-dahang itong inabot ng lalaki at tuwang-tuwa namang tinangap ng bata.

"Salamat." Ang sabi ng ina ng bata at binigyan ng isang sulyap ang lalaki, agad din itong tumalikod at inalalayan ang kaniyang anak palabas.

Habang nag lalakad muling tumingin sa likod si Nickaela, ngumiti ulit ito at ikinaway ang kaniyang kanang kamay sa lalaki para mag pasalamat.

Sumabay sa pag lalakad ang lalaki.

"Hatid ko na kayo sa labas." Ang sabi niya.

Hindi kumibo ang babae at hinayaan nalang itong sumabay sa kanila, at ang batang babae naman ay abalang inuubos ang kaniyang inumin.

Ilang sandali pa ay dumating na sila sa parking lot. Kinuha ng babae ang susi ng kanilang kotse sa kaniyang bag. Itinutok ito sa isang kulay pink na Honda Jazz at may pinindot. Tumunog ito kasabay ng pag sindi ng mga ilaw sa harapan.

Tumingin muli ang babae sa lalaki at muling nag pasalamat.

"Salamat ulit. Pati na din sa paghatid." Mahinang sabi ng babae.

"Walang anuman." Naka ngiting sagot ng lalaki.

"Nickaela lets go." Ang sabi ng babae, nang ibaling nito ang tingin sa kaniyang anak. Naka ngiti lang ito sa kaniyang ina na parang may gustong sabihin.

"Baby, I said lets go?" Nawi-wirduhang sabi ng babae.

"M-mommy, pwede po ba natin siyang isama?" Mahinhin na sabi ng bata habang naka turo ang kaniyang daliri sa lalaki.

Nagulat ang lalaki sa kaniyang narinig. Pati ang babae ay hindi makapaniwala sa sinabi ng kaniyang anak. Tumawa ng malakas ang bata nang makita niya ang ekpresyon sa mukha ng dalawa.

"Of course not iha!"

"But why mom? Wala naman po akong pasok sa school bukas e." Umiiyak na sagot ng bata.

"Next time nalang iha, ipapasyal kita sa Enchanted Kingdom." Ang sabi ng lalaki sa pag tangka niyang patahanin ang bata.

Umupo ang babae sa tabi ng kaniyang anak.

"Oo baby, next time nalang okay. Busy kasi siya ngayon kita mo naman ang daming tao hindi ba?" Paliwanag ng ina kasabay ng pag turo sa madaming tao.

"I don't want to go to Enchanted Kingdom!" Pasigaw at umiiyak na sabi ng bata. "I just want to play with him in our house!" Dugtong pa nito habang kinukusot ang kaniyang mga mata.

"Nickaela sumosobra kana ha!" Ang sabi ng kaniyang ina sa naiiritang boses. Lalo lamang lumakas ang pag iyak ng bata.

Umupo ang lalaki sa tabi ng bata at hinawakan ang kaniyang mga kamay na basa sa luha. Kinuha niya ang puting panyo na naka paloob sa bulsa ng kanyang puting polo, kasunod ng pagpunas ng mga bakas ng luha na naiwan sa mukha ng bata.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, yumakap ang batang babae sa lalaki ng mahigpit. Nanlaki ang mga mata ng lalaki sa kaniyang nadama. May kakaiba siyang naramdaman sa yakap ng bata. Napakainit nito at ibang-iba sa yakap ng kaniyang mga pamangkin. Ang gaan ng kaniyang pakiramdam ng yakapin siya ng bata. Yakap na hindi niya maipaliwanag ang kakaibang ligaya.

Ibinaling ng lalaki ang kanyang tingin sa ina ng bata, at itinaas ng bahagya ang kaniyang mga kamay. Huminga ng malalim ang babae, nag buntong hininga at umiling. Mahal na mahal niya ang kaniyang anak kaya hindi niya makayanan na hindi niya ito pag bigyan.

"Okay baby, panalo kana. Tanungin mo muna siya kung gusto niyang sumama." Malumanay na sabi ng ina ng bata.

Inilayo ng bata ang kaniyang sarili sa lalaki at ngumiti. Labis ang kaniyang kasiyahan ng pag bigyan siya ng kaniyang ina sa kaniyang gusto.

"You are going with us right? Tito...?" Naka kunot noong tanong ng bata habang ang isang daliri niya ay naka patong sa kaniyang labi.

"Tito Leo. And yes I'm going with you." Sagot ni Leo sabay ngiti.

Ilang sandali pa ay sumakay na silang lahat sa kotse. Sumakay sa harapan si Leo, sa tabi ni Danica ang ina ni Nickaela. Habang siya naman ay nasa likod, hindi pa sila masyadong nakakalayo ay napansin ni Leo na tulog na pala ang bata sa likuran nila. Naisipan ni Leo na bumaba na para hindi na siya maka abala pa, ngunit hindi ito pinayagan ni Danica.

"Ayaw kong magalit ulit sakin si Nickaela, ayaw kong maulit muli ang ginawa niyang pag sigaw sakin kanina." Mahinang sabi ni Danica. "Pag gumising yan at hindi ka niya nakita, sigurado akong aawayin ako niyan." Dugtong pa nito.

Nanatiling lamang tahimik si Leo. Isinandal niya ang kaniyang ulo sa likod ng kaniyang upuan, habang minamasdan ang mga puno ng manga na kanilang dina-daanan sa gilid ng kalsada.

Ilang minuto pa ang lumipas ay huminto na ang sinasakyan nilang Honda Jazz sa tapat ng isang bahay. Hindi ito masyadong malaki, at hindi din naman maliit. Sobra na para sa dalawang taong nakatira dito, meron itong dalawang palapag. May garahe ito sa harapan na kasya ang dalawang kotse. At sa taas ay may isang terrace na puno ng mga bulaklak. Kung titignan mo itong mabuti ay mas maganda pa ito kesa sa kanilang garden.

Hangang ngayon ay tulog parin ang bata dahil narin siguro sa sobrang pagod, kaya binuhat nalang siya ni Leo papunta sa loob ng kanilang bahay.

"Tuloy ka." Ang sabi ni Danica kay Leo na karga-karga ang kaniyang anak. "Pag pasensyahan mo na ang aking bahay, medyo magulo at puro kalat.

"Okay lang, mukha nga siyang makulit at malikot." Ang sabi ni Leo. Ngumiti lang si Danica. Ngumiti din si Leo. "Saan ko siya ilalagay?" Nahihiyang tanong pa nito.

"Sa taas nalang, sa kwarto namin." Sagot ni Danica.

Bago pa makaakyat si Leo sa taas ay nagising ang bata. Nung una nagulat siya at nagtataka kung sino ang may buhat sakaniya, hindi din nag tagal ay naalala niya agad at nakilala si Leo.

Mabilis itong bumaba sa pagkaka-buhat, at hinila ang kamay ni Leo papanik sa taas sa kanilang kwarto. Dito tumambad kay Leo ang isang napaka gandang kwarto ng isang bata. Puno ng malalaking posters ng PowerPuffGirls ang mga pader. Makikita din sa kama ang mga unan at kumot na may drawings ng PowerPuffGirls, at ang mga nagkalat na stuff toys ng bata.

Walag oras na sinayang ang dalawa at naglaro sila ng naglaro. Takbuhan habulan sila sa loob ng kwarto na parang walang kapitbahay na natutulog. Ipinag-malaki ni Nickaela ang mga nag-lalakihang barbie dolls at mga stuff toys na binili ng kaniyang ina.

Ilang minuto pa matapos ang walang humpay nilang pag-lalaro, habang nag babasa si Leo ng fairytales para sa bata ay napansin niyang nakatulog na ito. Tinitigan niyang mabuti ang bata habang itoy natutulog, maganda parin siya kahit tulog. Kamukhang kamukha talaga niya ang kaniyang ina.

Maingat niyang ipinatong ang kulay pink na kumot na sa bata para hindi ito lamigin, inayos niya ang buhok na bahagyang naka takip sa mga mata ng bata. Isinandal niya ang kaniyang ulo sa gilid ng kama.

Laking gulat niya ng may maramdaman siyang may tumatapik sa kaniyang balikat. Si Danica, at may dalang dalawang tasa ng kape. Dala na din siguro ng pagod sa buong araw at sa pakikipag laro kay Nickaela ay hindi namalayan ni Leo na naka tulog na pala siya sa tabi ng bata.

"Mag kape ka muna, pasensya kana kung sinira ko ang tulog mo." Mahinang sabi ni Danica. Kasunod ng pag abot ng isang tasa ng kape. Agad din itong tinanggap ni Leo at nagpasalamat.

Kahit napaka simple ng kaniyang suot ay tumitingkad parin ang kaniyang kagandahan. Ayos na ang puting spagettie blouse at maikling shorts para sumabog ang kaniyang ganda.

Bahagyang hinawi ni Danica ang kulay pink nilang kortina, sapat na para mabuksan niya ang sliding door at para maka punta sa kanilang terrace. Marahan siyang naglakad papunta sa terrace, habang hinahalo ang hawak niyang isang tasa ng kape.

Dahan-dahang sumunod si Leo kay Danica, mabagal at maingat ang kaniyang pag galaw upang hindi magising ang batang natutulog sa kaniyang tabi. Dito niya nakita si Danica na naka titig sa kawalan, mukhang malayo at malalim ang kaniyang iniisip.

May nais itanong si Leo kay Danica, ngunit natatakot ito na baka magalit at mali ang kaniyang iniisip. Kaya minabuti nalang niyang tikman ang kape na tinimpla ni Danica.

"Nakatulog kana ah, mukhang napagod ka sa pakikipag-laro sa anak mo no?" Naka ngiting tanong ni Danica.

Nabitawan ni Leo ang hawak niyang tasa at nabasag sa sahig, nagkalat ang mga bubog galing sa nabasag na tasa. Nagulat ito sa kaniyang narinig kaya ito napaso at hindi sinasadyang mabitawan ang tasa.

Napa tingin sakaniya si Danica, tulala parin si Leo. Ipinatong niya ang hawak niyang isang tasa ng kape sa lamesa malapit sakaniya, at balak na linisin ang mga bubog na nagkalat sa sahig ngunit pinigilan siya ni Leo.

Hinawakan niya ang kamay ni Danica, mabilis naman itong inalis ni Danica sa pagkaka-hawak. Pinagmasdan mabuti ni Leo si Danica, hindi naman maka tingin ng maayos si Danica at pilit ibinabaling ang kaniyang tingin sa kawalan.

"A-anak ko siya?" Malumanay na tanong ni Leo. Nanatiling tahimik si Danica at hindi sumagot. "P-pero, p-papano?" Pagpapa-tuloy pa nito.

"Oo, Oo Leo oo. Tama ang narinig mo, anak mo siya." Sagot ni Danica habang hindi naaalis ang kaniyang tingin sa mga kumikinang na bitwin. "Matapos ang isang buwan, mula noong pag hiwalayin tayo ng iyong mga magulang, may kakaiba akong naramdaman sa aking sarili." Pag papatuloy pa nito sa kaniyang umiiyak na boses.

Linapitan siya ni Leo at binalak na patahanin ngunit umiwas lang ito. Tumingin siya kay Leo, nakaka-takot ang kaniyang mga mata sa galit.

"Kumonsulta agad ako sa doctor, dito ko nalaman na buntis ako ng dalawang buwan!" Mas lalong lumakas ang kaniyang pag hikbi. "Nagbunga ang ating walang kwentang pag-mamahalan!" Mahina ngunit matigas na tono nito.

"Ngunit bakit hindi mo sinabi saakin?" Tanong ni Leo.

"Para saan pa? Para ipamukha ulit saakin ng iyong ina na pera lang ang habol ko sayo? Para sabihin niyang ginagamit kong kasangkapan ang bata para lang tangapin niya ako?!" Ang sabi ni danica habang nakatutok ang isa niyang daliri sa mukha ni Leo at umiiyak.

"Para gawin ang aking responsibilidad sakaniya."

"Responsibilidad?" Tanong ni Danica habang palakad-lakad sa harapan ni Leo. "Hindi namin kaylangan ang iyong responsibilidad."

"Pwes hayaan mo lang sana akong mapunan ang aking mga pagkukulang sakaniya." Nagmamaka-awang sabi ni Leo.

Muling tumingin sa Danica sa kawalan.

"Hindi Leo. Nagawa ko siyang palakihin magisa sa loob ng anim na taon, kaya alam kong kaya ko siyang buhayin magisa hangang sa paglaki niya." Mahinahon niyang sabi. "Hindi ko na isusumbat saiyo ang mga gabing hindi ako maka tulog sa kaiiyak, nang dahil nakikita kong umiiyak ang aking anak sa gutom. Sa bawat pag-sisinungaling ko sakaniya tuwing itinatanong ka niya. Sa bawat kaarawan niya na kaming dalawa lang ang magkasama."

Dahan-dahang lumapit si Leo, hinawakan ang balikat ni Danica. Humarap si Danica at tinitigan ito sa mata, tinignan din siya ni Leo sa mata.

"Patawarin mo ako Danica kung naging duwag ako sa mga panahon na pilit tayong pinag-hihiwalay ng aking ina. Ngayon may sarili na akong buhay, pagbigyan mo sana akong gampanan ang pagiging ama ko sa aking anak." Ang sabi ni leo habang hindi mapigilang mapaluha.

Kasunod ng sabay nilang pagbaling ng tingin sa pintuan na dahan-dahang bumukas. Laking gulat nilang pareho ng makita nila ang bata na naka tayo at mukhang inaantok pa, at kahit isang singkit mata niya lang ang bahagyang naka-mulat ay mukhang masaya parin ito sa narinig. Tumingin siya at ngumiti sakanilang dalawa at masayang sinabing.

"Daddy?"

No comments:

Post a Comment