Sunday, August 21, 2011

E.G.G


E.G.G




Ang sarap ng pakiramdam pag kasama mo ang iyong kasintahan habang namamasyal sa mall no? Pili pili ng mga damit, lipat sa kabilang bilihan ng damit. Kain dito, kain doon. Manood ng bagong pelikula sa mga sinehan. Lakad dito lakad doon. Hay ang saya talaga. Wish ko lang sana hindi na matapos ang kaligayahang nadarama ko sa mga oras na yun.

Sana nga lang.

Hanggang sa magyaya siyang pumasok sa isang bilihan ng bag, kung hindi ako nag kakamali E.G.G ang pangalan ng bilihan ng bag na yun. Pag pasok ko palang ay may kakaiba na akong naramdaman sa lugar na yun. Agad din akong umupo sa isang maliit na upuan at hinayaan ang aking kasintahan na mamili ng mga bag.

Kakaiba talaga ang pakiramdam sa loob, parang may kung anong ewan. Inikot ikot ko ang aking ulo, wala namang kakaiba. Maliban lang sa isa, sa isang babaeng naka talikod. Naka itim na dress siya na medyo backless, naka ponytail ang kanyang mahabang buhok kaya halata ang napaka puti niyang kutis.

Pinagmasdan ko lang ito at sinamantala ang pagkakataon na alalahanin kung sino siya, habang hindi pa siya humaharap. Halos pumikit na ang aking mga mata sa sobrang pagod sa buong araw na paglilibot. Pamiliar talaga itong babaeng ito, parang alam ko na kung sino siya. Pero wag naman sana.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, biglang humarap ang babaeng kanina ko pa pinagmamasdan. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko siya. Nilamon ng katahimikan ang buong paligid. Hindi ako maka galaw, labis ang aking panghihinayang sa aking nakita.

Ang babaeng pilit kong kinakalimutan, ang babaeng pilit kong tinatakasan ang aming nakaraan ay nandito ngayon sa aking harapan. Hindi ko maintindihan ang nangyayari saakin, para bang pilit kaming pinag tatagpo ng tadhana. Kung kaylan nakakalimutan ko na siya ay heto at muli nanaman kaming magkaharap.

Hindi nagtagal ay binasag nya ang katahimikan, nang bigla niya akong kausapin at tanungin kung sino ang aking kasama. Marahan kong inikot ang aking ulo patungo sa aking kasintahan na abalang pumipili ng mga bag. Itinuro ko siya gamit ang aking nguso, sinundan niya ang direksyon kung saan naka turo ang aking nguso at doon ay kanyang nakita ang aking bagong kasintahan.

Wala akong nakitang masamang ekspresiyon sa kaniyang mukha. Mukha naman itong masaya sa kaniyang nakita. Hindi lang iyon, kinawayan pa niya ito. Ngumiti at nag Hi. Sa pagkakataong iyon ay hindi niya namamalayan na akoy nakatitig sakaniya. Sinasamantala ko ang bawat segundo nang hindi niya napapansin.

Habang nakikita ko ang bawat pag galaw ng kaniyang mga labi ay lalo akong nahuhulog sakaniya. Ang paraan ng kaniyang pag ngiti ay parang ibinabalik ang mga araw na magkasama kami. Parang ibinabalik niya ang mga alaala noong kaming dalawa pa ang magkasama.

Pero yun ay mga alaala nalang, alaalang pinipilit kong kalimutan. Kahit masakit at mahirap ginagawa ko parin ang lahat para lang mabura na ang lahat ng alaala naming dalawa sa aking isipan.

Maya maya lang ay nagpasya na siyang umalis, gustuhin ko man siyang pigilan ay hindi ko na ito magawa. Alam kong hindi tama na pigilan ko siya, pero tama din ba na hindi ko siya pigilan? Hindi nagtagal ay tuluyan na siyang naka layo, hindi ko na maaninag ang kaniyang imahe sa buong lugar.

Pinilit kong pigilan ang likidong namumuo sa aking mga mata, ngunit sadyang napakabigat na nito at hindi na ito kayang awatin pa. Dahan dahang tumulo ang aking luha patungo sa aking mukha, napansin kong papalapit na saakin ang aking kasintahan kaya mabilis ko itong pinunasan gamit ang aking panyo.

Nang tuluyan na siyang makalapit saakin, tinanong niya ako.

"Anong nangyari saiyo?"

"W-wala na puwing lang ako." Ang sagot ko.

Bakas sa kaniyang mukha ang sobrang pag aalala, alam kong alam niya ang tunay na dahilan. Pero mas minabuti nalang niya na hindi na ito pag usapan pa.

Agad din siyang nagyaya na umalis, paglabas namin ng E.G.G ay tinangka ko paring libutin ng tingin ang buong paligid gamit ang aking mga mata. Nagbabaka sakali na muli ko paring makita ang babae na hangang ngayon ay siya paring nagmamay ari sa aking puso.

Ngunit sa kasamaang palad ay wala na siya, hindi ko na siya mahagilap sa buong paligid. Wala na akong ibang nagawa kung hindi ang yumuko at ibulong na.

Its over and its done.

No comments:

Post a Comment